Monday, November 2, 2015

PIOLO PASCUAL, SUSUPORTA KAY YUL SERVO!



Financially ay tutulong at susuporta si Piolo Pascual sa kandidatura ni Yul  Servo bilang Congressman ng  3rd district ng Maynila. Isa lang daw ang bilin ni Piolo sa kanya simula nu’ng pasukin nito ang politics, ‘wag mangungurakot’.
Isa pa sa nangakong susuportahan si Yul  sa kampanya ay ang superstar na si Nora Aunor na naka-partner niya sa “Naglalayag”.   Pati na rin ang mga friends niyang sina Ana Capri, Jaycee Parker at ang mga nakasama niya sa “Baker King” ng TV5 na  sina Jackielou Blanco, Raymond Bagatsing atbp. Tutulong din ang mga kapatid niya sa kuwadra ni Direk Maryo J. Delos Reyes.
Bagamat huling lumabas si Yul sa pelikulang “Felix Manalo,” hindi pa niya alam kung sa kanya ibibigay ng INC ang buong  suporta dahil ‘yung isang makakalaban niya ay dati ring sinusuportahan  rin ng Iglesia.
Hon. John Marvin “Yul Servo” C. Nieto
Councilor, 3rd District of Manila
PROFILE
Si John Marvin ay ipinanganak noong ika-22 ng Pebrero, 1977 sa Calumpit, Bulacan. Pangalawa sa walong anak ng mga magulang na sina Martin at Zenaida Nieto. Si Jon-Jon (tawag ng mga taong malapit sa kanya) ay isang ordinaryong bata na lumaki sa Binondo, na minsang nangarap maging Kabataang Barangay member sa kanilang lugar. Pero dahil sa pagiging mahiyain ay hindi niya naituloy ang pangarap na ito. Nakapagtapos ng elementarya sa Pedro Guevarra Elementary School at nakapagtapos ng sekondarya sa Arellano University.
Bata pa lang si John Marvin ay pangarap na niyang maging Pulis dahil sa tingin niya’y “Superhero” ang mga ito. Nagagawa nilang hulihin ang mga masasama at tulungan ang mga nangangailangan. Dahil sa pangarap na ito kaya siya nag-aral sa Philippine College of Criminology.
Noong maka-graduate sa kolehiyo, handa na sana niyang pasukin ang pagpupulis nang biglang nagbago ang kanyang tadhana dahil sa pagkakadiskubre sa kanya ni Direk Maryo J. Delos Reyes. Nakita ni Direk Maryo ang malaking potensiyal ni John Marvin sa mundo ng showbiz kaya naisipan niyang ipasok ito sa mga workshop at teatro hanggang sa pasukin na rin nito ang mundo ng Indie Films. Dito na siya nakilala sa screen name na Yul Servo.
Ilang taon pa lang mula nang nag-umpisa si Yul sa paggawa ng Indie Films ay napansin na agad ng mga award-giving bodies ang kanyang talento sa pag-arte, na naging dahilan upang makahakot siya ng maraming award tulad ng Best Actor sa 2001 Cinemalaya Film Festival at 2002 Brussels Film Festival para sa kanyang pagganap saBatang West Side. Nasundan ito ng isa pang Best Actor Award galing sa 19th Star Awards for Movies para sa kanyang pagganap sa pelikulang Laman at Best Actor noong 2004 Manila Film Festival, Brussels International Film Festival at Gawad Tanglaw para sa pelikulang Naglalayag (na unang pelikulang nakatambal niya ang Superstar na si Nora Aunor).
Nanalo rin siyang Best Supporting Actor at marami pang ibang parangal mula sa iba’t-ibang patimpalak.
Noong 2008, muling nasungkit ni Yul ang kanyang ikatlong Best Actor Award sa Brussels International Film Festival para sa kanyang pagganap sa pelikulang TorototNito lang 2014 ay nabigyan siya ng parangal bilangBroadwayworld.com Philippines awards bilang Best Crossover Artist.
Taong 2006 nang kumbinsihin si Yul ng kanyang mga kadistrito na tumakbo sa pagkakonsehal sa ikatlong distrito ng Maynila. Tinanggap naman niya ito at pinalad makuha ang ika-limang puwesto sa konseho noong 2007 election. Ginampanan niya ang tungkulin bilang Konsehal at nag-akda ng mga ordinansa at resolusyon para sa kapakanan ng kapwa nya Manileño. Naglunsad din si Yul ng iba’t-ibang proyekto tulad ng Medical Mission para sa mga taga distritong nangangailangan ng konsultasyon at gamot na libre, Dental Mission, Calamity Assistance, Educational Program, Oplan Iwas Dengue, Feeding Program, Fiesta Caravan, Binyagang Bayan, Libreng Tuli, Oplan Sagip Mata na naglalayong makapagbigay ng libreng salamin at surgery para sa mga kadistritong may cataract. May mga Livelihood Project din na inilunsad si Konsehal Yul tulad ng “Angat Pangkabuhayan” sa pakikipagtulungan ng DOLE at mga art exhibit na naglalayong ipakita sa publiko ang dating ganda ng Maynila.
Nagsasagawa rin si Yul ng iba’t-ibang charity works tulad ng assistance sa mga kababayang nangangailangan, assistance para sa mga pangangailangan ng mga barangay sa ikatlong distrito, pagpapahiram ng tents, silya, sasakyan, at marami pa.
Nakuha ni Yul ang ikalawang puwesto sa pagkakonsehal sa ikalawang pagtakbo niya sa konseho. Patunay na higit sa pag-aartista, kaya niya ring magserbisyo sa mga kadistrito. Ipinagpatuloy niya ang mga nasimulang proyekto at nagpasa pa ng ilang mga ordinansa at resolusyon para sa ikabubuti ng mga Manileño.
Sa konseho, nagsilbi siya bilang Second Assistant Majority Floor Leader, Chairman of the Arts and Culture Committee, Vice Chairman ng Science and Technology Committee, Vice Chairman of  Engineering and Public Works Committee, at miyembro ng Commitee on Appropriations, Arts and Culture, Economic Development, Education, Tourism, Information and Communication Technology, at Health.
Muli siyang pinagkatiwalaan ng mga kadistrito niya sa pangatlong pagkakataon at  naging number one o topnotcher ni Yul sa pagkakonsehal sa kanyang distrito noong 2013 elections.
Bilang konsehal, personal siyang bumibisita sa mga barangay na nasasakupan para malaman kung ano ang mga problemang hinaharap ng mga barangay na ito at kung paano siya makakatulong.
Nakatanggap si Konsehal Yul ng maraming parangal para sa kanyang pagseserbisyo tulad ng Dr. Jose Rizal Gintong Kabataan Award, Gintong Kabataan Award for Education, Kapit Bisig ng Kabataan Celebrity Service and Excellene Award for Education, Most Outstanding Alumnus of the Philippine College of Criminology, at Gawad Sulo ng Bayan 2015 bilang Pinakamahusay na Konsehal.
Ang mga hilig niya ay Arnis, Skateboarding, Theater Cinema Appreciation, Woodworking, at Film making. Si Yul ay kasalukuyang miyembro ng Rotary Club of Tondo.
           

NAME: John Marvin “Yul Servo” C. Nieto
Konsehal- 3rd District of Manila ( BinondoQuiapoSan NicolasSanta Cruz, Blumentritt )
1st term:  2007-2010
2nd term: 2010-2013
3rd term: 2013-2016
BS Criminology graduate (1998)- Philippine College of Criminology
Q & A
1--Masasabi mo bang nakalalamang ang mga kandidatong artista na tulad mo?
“Nakalalamang po kung popularidad ang pag-uusapan. Pero sa bandang huli, yung performance po talaga ang mahalaga para iboto at mahalin ka ng mga tao. Komporme na lang sa iyo kung paano mo ito iko-convert sa boto. Pero hindi naman porke artista ka ay mananalo ka na. Noong first time na kumandidato ako bilang Konsehal, 47 kami na naglaban bilang konsehal. May incumbent na councilor, mga sikat, antigo…
“Pagdating sa kampanya, ako ang pinagkakaguluhan dahil artista nga ako. Pero hindi pala roon nasusukat iyon. Kasi, ‘tapos ng botohan, pang-lima lang ako e. Kaya nasabi ko na hindi porke artista ay iboboto ka nila. Kaya pinatunayan ko naman sa kanila, naglingkod ako ng tapat at buong puso. Kumbaga, iyong performance ang ipinakita ko. Kasi nalaman ko na performance rin talaga ang pinagbabasehan ng mga botante.
“So, talagang pinatunayan ko na hindi lang ako artista, kundi talagang sinipagan ko. May mga proyekto sa grassroots, sa barangay… Pati sa legislative, talagang nagtrabaho ako.
“Si vice mayor Isko Moreno, talagang mentor ko siya. Siya yung lagi kong kinokonsulta kapag may mahahalagang desisyon na kailangang gawin.”
2--Bakit mo gustong maging pulis sa murang edad? Nasa isip mo na ba that time ang makapaglingkod sa bayan?
“Seventeen ako nang nag-aral ng Criminology, pangarap ko po kasing maging pulis mula noong bata pa ako. Gusto ko po kasi ng isang disenteng trabahaho at bonus na yung makapaglingkod sa bayan.”
3--Ano ang pakiramdam kapag nakakatulong ka sa constituents mo?
“Siyempre napakasarap po sa pakiramdam. Lalo na kapag nakikita ko ang mga constituents ko na nagiging masaya dahil sa mga naitutulong ko sa kanila kahit gaano pa ito kaliit.”
4--Hindi ka masyadong tumatanggap ng projects ngayon sa showbiz dahil sa pagiging public servant mo, anong klaseng sakripisyo ito sa part mo?
“Hindi ko naman ito tinitignan bilang sakripisyo. Siyempre hinalal ako ng mga tao para maglingkod sa distrito ko kaya may responsibilidad ako na gawin ang lahat ng makakayanan ko para matulungan sila. Kahit na kapalit nito ay pagtanggi sa ilang proyekto na iniaalok sa akin sa showbiz.”
5--Ano ang maipagmamalaking nagawa mo para sa mga kadistrito mo?
“Marami po akong maipagmamalaki na nagawa ko eh. Pero sa tingin ko, ang pinakamaipagmamalaki ko sa lahat ay ang wala akong ninakaw kahit isang sentimo sa kaban ng bayan sa halos siyam na taon kong panunungkulan bilang konsehal. Abonado pa nga po dahil sa dami ng mga nagagawa kong proyekto. Pero hindi po ako nagrereklamo, dahil gaya ng sabi ko po, napakasarap ng pakiramdam na nagagawa ko ang aking trabaho at nakakatulong ako sa mga kababayan ko.
“Ang gusto ko lang naman, umangat ang pamumuhay ng mga taga-distrito ko. Gusto kong magbigay nang todong-public service para sa ikauunlad ng Third District ng Maynila. Iyon ang priority ko talaga, e. So, sa tulong ng Panginoong Diyos, naniniwala ako na tutulungan Niya ako. Kasi alam naman Niya na ang aking pagseserbisyo ay buong puso at tapat.
“Naniniwala rin ako na kahit ayaw mo, minsan ay ilalagay ka talaga ng Panginoon doon e. Kaya naniniwala ako sa destiny ko. Kasi kapag sakaling hindi ako inilagay doon ng Panginoon, naniniwala ako na mayroon Siyang ibang plano para sa akin. Isa pa, gusto ko na kapag natapos na ako sa politika, kaya kong maglakad na nakataas ang noo ko.”
6--Ano ang masasabi mo na nangunguna ka sa mga survey bilang congressman sa 3rd District ng Manila?
“Sa survey naman, ayaw kong maging kampante. Gagawin ko lang po kung ano ang nakagawian ko noon pa man, mag-iikot ako sa constituents ko. At kung ano man ang mangyari sa hinaharap ay tatanggapin ko ng buong puso. Ang mahalaga po sa akin ay lumaban ako ng parehas, may respeto, at malinis kahit na ano pong maging resulta ng election.”
7—Ano ang pakiramdam mo nang ikaw ang inendorso nina Mayor Joseph Estrada at Vice Mayor Isko Moreno sa pagka-kongresista ng inyong distrito?
“Mataas ang tingin at respeto ko sa kanilang dalawa kaya sa totoo lang, hindi pa rin ako makapaniwala hanggang ngayon sa kanilang endorsement. Hindi ko alam na ganoon pala kalaki ang tiwala ni Mayor Erap at Vice Isko sa akin, kaya lubos akong nagpapasalamat sa kanila.”

No comments:

Post a Comment